Parehong hindi napigilan nina Ashley Rivera at Kara David na maging emosyonal nang magbigay ng madamdaming mensahe ang Kapuso journalist para sa aktres, na nagpapakatatag para sa kaniyang inang nakikipaglaban sa stage 4 lung cancer.

Sa nakaraang guesting ni Ashley sa podcast ni Kara na “i-Listen,” inilahad ni Ashley ang kalagayan ngayon ng kaniyang ina na nakaratay sa ospital.

BASAHIN: Ashley Rivera sa laban ng kaniyang ina sa cancer: 'Hindi ko dapat pinapakita na umiiyak ako'

“When you're down, there's no other way but up,” sabi ni Ashley.

Inilahad ni Kara na mas nakilala pa niya si Ashley sa likod ng pagiging masayahin at pagpapatawa nito bilang aktres.

“Alam na natin ngayon kung ba't ganito si Ashley because she has a strong mother behind her. Hindi, pero totoo ‘yun. ‘Di ba sabi nila, behind every child who believes in himself is a mother who believed first,” anang Kapuso journalist.

“Kaya ka ganiyan ngayon, because naniwala sa'yo ang nanay mo,” pagpapatuloy pa ni Kara.

“I wanna thank my mom for giving me this confidence. Yung kapal mukha ko. Kasi siya mismo, ‘Kaya mo yan, kaya mo yan. Kaya mo yan. Be strong, be strong, be strong,’” sabi ni Ashley.

Hinangaan ni Kara si Ashley dahil kahit naiiyak ito, kaya pa rin nitong magpatawa.

“Sa top 10 na pinagdaanan ko, number one talaga to. Wala nang tatapat dito, top one.Lord, ayoko na ha. Ewan ko na lang kung ano pang susunod na battle pagkatapos nito,” ani Ashley.

Kalaunan, ipinaabot ni Kara ang mensahe niya kay Ashley.

“But I want to tell you this. You have been the happy pill of a lot of people. Alam namin kakayanin mo ‘yan kasi matapang ka. Pero ‘pag hindi mo na kaya, Ash, andito kami. Okay?” sabi ni Kara, na inabot ang kamay ni Ashley.

“Puwedeng maging mahina once in a while. ‘Di ba? Puwedeng maging mahina once in a while. ‘Pag hindi mo na kaya, tawag ka lang,” sabi pa ni Kara.

Payo pa ng Kapuso journalist kay Ashley na huwag solohin ang problema.

“At saka, whatever happens, I know that your mom is very, very, very, very, very happy and proud of you. Blessing ka sa kaniya. And mawala man siya, tandaan mo na ang mga nanay natin para silang mga glue, para silang mga pandikit. Hindi mo sila nakikita but they hold us together,” saba pa ni Kara.

“Nagpapasalamat kami sa nanay mo kasi kung wala yung nanay mo, wala kaming happy pill na Ashley Rivera. Ngayon, nagkakaroon ako ng mas malawak na appreciation of who your mother is. My God. Para to be able to raise someone as beautiful and as strong and as intelligent and as funny as you. Siguro times three sa beauty, humor, and intelligence si mommy,” sabi pa ni Kara kay Ashley.

Abril 1 nang ibahagi sa publiko ni Ashley na may cancer ang kaniyang ina.

Taong 2019 nang pumanaw habang nasa Philippine Heart Center ang in ani Kara na si Karina David, dating pinuno ng Civil Service Commission. (READ: Kara David says goodbye to mom Karina) –FRJ GMA News