Natuhog ang braso ng isang siyam na taong gulang na lalaki sa bakal na gate ng isang chapel habang nakikipaglaro ng tagu-taguan sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakatusok pa ang bakal habang ipinapasok sa ambulansiya ang bata.

Habang nakikipaglaro, sinaway na umano siya ng ilang residente na huwag akyatin ang gate.

Gayunman, hindi umano nakinig ang bata hanggang sa natusok siya ng bakal.

Ligtas na ang biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Cagayan de Oro City.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga magulang ng bata. — Jamil Santos/RSJ GMA News