Nahuli-cam ang pagguho ng bahagi ng Aquino Bridge sa gitna ng walang tigil na mga pag-ulan at malakas na pag-agos ng Tarlac River.

Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente bago maghatinggabi.

Isinara kalaunan sa trapiko ang tulay, at inabisuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na humanap ng alternatibong ruta.

Nagsagawa ng inspeksiyon si DPWH Secretary Vince Dizon nitong Sabado ng tanghali sa nasirang tulay, na itinayo pa noong 1980 at may habang 60 metro.

“Ang unang gagawin natin, kailangan natin gawing passable itong bridge nito kasi critical ito para sa mga kababayan natin dito. Ang problema, hindi tayo makakatrabaho hangga’t ganito kalaki ‘yung ilog. So once na humupa na 'yung ilog, magsisimula na tayo,” sabi ni Dizon.

Bukod sa Aquino Bridge, ilang bitak sa konkreto at sinkhole din ang nakita sa bahagi ng Barangay Cut‑cut.

Binahana naman ang ilang barangay sa Dagupan City.

Sa Calasiao, Pangasinan naman, muling tumaas ang mga humuhupa nang baha dahil sa walang tigil na ulan, gaya sa Barangay Talibao, kung saan halos baywang na ang tubig sa ilang sitio.

Batay sa tala ng Calasiao MDRRMO, nasa 8.2 feet above critical level ang Marusay River.

Naghahanda na para sa posibleng paglikas ang mga maaapektuhang residente.

Nagmistulang ilog naman ang isang kalsada sa Barangay Bongalon sa Labrador, Pangasinan dulot ng tuloy-tuloy na ulan, kaya pahirapang makadaan ang mga sasakyan.

Nakaranas din ng baha ang ilang lugar sa bayan ng Aguilar. Dahil dito, nagpatupad ng pre-emptive evacuation ang awtoridad.

Nag-install din ng lifeline rope sa mga binahang barangay road para may makapitan ang mga tumatawid na residente kung sakaling rumagasa ang tubig.

Patuloy ang pagsasagawa ng rescue operation sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa bayan ng Agno.

Nagdeklara na ng state of calamity ang pitong lugar sa Pangasinan, kung saan dumagdag ang mga bayan ng Infanta at Lingayen.

Nasa blue alert naman ang Pangasinan PDRRMO at nananatiling nakabantay sa mga flooded at landslide prone areas sa probinsya.

“For the flooded areas, mayroon pa po tayong walo na mga barangay and mayroon din mga nerereport na receding. Ito ay nasa 57 naman na mga barangay,” sabi ni Maegan Equilla, officer-on-duty ng Pangasinan PDRRMO.

Hindi madaanan ang bahagi ng Bagyo-Bontoc Road dahil sa pagguho ng mga tipak ng bato dulot ng pag-ulan sa Bontoc, Mountain Province.

Batay sa 72-hour forecast ng Mines and Geosciences Bureau, mahigit 1,000 barangay sa Cordillera ang may posibilidad na makaranas ng baha at landslide.

Kaya nananatiling nakataas sa blue alert ang Emergency Operations Center ng RDRRMC Cordillera.

Sinabi ng PAGASA na may tiyansang makaranas ng pag-ulan sa Benguet at Baguio City. —Jamil Santos/VBL GMA News