Hinuli ng mga pulis ang isang ginang at umano’y kalaguyo niyang lalaki matapos silang makita ng mister ng babae na pumasok sa isang inn sa Alaminos, Pangasinan. Pero giit ng misis, nag-usap lang sila sa loob na tumagal ng humigit-kumulang sa isang oras.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, napag-alaman na dakong 6:00 pm noong Martes nang makita ni mister ang kaniyang misis na lumabas sa isang kainan na may kasamang ibang lalaki.
Sinundan ni mister ang kaniyang asawa at hinihinalang kalaguyo nitong lalaki, hanggang sa pumasok ang dalawa sa isang inn.
Kaagad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mister upang isumbong ang pagtataksil ng kaniyang kabiyak.
Inabangan ng mister at mga pulis ang paglabas ng ginang at kasama nilang lalaki mula sa loob ng inn.
At pagkaraan umano ng humigit-kumulang ng isang oras, lumabas na ng inn ang dalawa at nagkaroon na ng komprontasyon.
Pero idinepensa umano ng misis na nag-usap lang sila ng kasama niyang lalaki sa loob.
Sa kabila nito, inaresto ng mga pulis ang babae at kasama niyang lalaki, na napag-alaman din ng mga awtoridad na kasal sa iba.
Posible umanong maharap ang misis at lalaki sa paglabag sa Article 333 ng Revised Penal Code o adultery. – FRJ GMA News
