Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis matapos gahasain umano ang isang 14-anyos na babae sa Villanueva, Misamis Oriental.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng hepe ng Villanueva Police na nangyari umano ang krimen habang nag-iikot ang suspek noong madaling araw ng Setyembre 8, at sakay ng patrol car.

Humingi ng tulong ang biktima sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) makaraan ang pang-aabuso sa kaniya ng suspek.

Sinampahan ang pulis ng reklamong paglabag sa Anti-Rape Law in Relation to the Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation.

Nasa kustodiya ng MSWDO ang biktima na sasailalim sa debriefing process. – Jamil Santos/FRJ GMA News