Nasawi ang isang ina matapos siyang pagpapaluin ng martilyo ng sarili niyang anak na 15-anyos sa Panlao, Bohol. Ang bangkay ng biktima, itinago sa lumang poso-negro o septic tank.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umamin ang menor de edad sa krimen.

Apat na beses umanong hinampas ng martilyo ng binantilyo ang kaniyang ina na dahilan ng pagkamatay nito. Kinaladkad niya ang bangkay at itinago sa poso-negro sa Barangas Looc.

Bago ang krimen, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-ina dahil sa pagliban sa klase ng binatilyo.

Nakita rin ng pulisya ang martilyo na ginamit umano ng binatilyo sa krimen.

Nasa kostudiya ng Municipal Social Welfare and Development ang estudyante na itinuturing Child in Conflict with the Law.

Wala pang pahayag ang kanilang pamilya, ayon sa ulat. – FRJ GMA News