Siyam katao ang nasawi nang bumagsak at sumabog ang isang maliit na Learjet sa gilid ng daan sa isang residential area sa Florida, USA nitong Linggo. Ang insidente, nag-iwan din ng malaking uka sa daan.

Ayon sa US Officials, lumipad ang eroplano mula Austin, Texas at patungo sana sa Bahamas nang mangyari ang trahedya.

"Today's plane crash in Palm Beach County, Florida is a horrific tragedy," sabi ni Transportation Secretary Sean Duffy sa isang pahayag.

Ang nasabing lugar ay kinaroroonan din ng Mar-a-Lago, ang resort residence ni US President Donald Trump.

Sa isang video footage, makikita ang mabilis na pagbagsak ng eroplano na sinundan ng malakas na pagsabog.

Nag-iwan ito ng malaking hukay sa gilid ng daan, at kinailangang ilikas ang nasa 600 katao, ayon kay Palm Beach County Commissioner Joel Flores.—ulat mula sa Agence France Presse/Reuters/FRJ GMA News