Sa ospital ang bagsak ng isang pulis matapos siyang kuyugin ng ilang lalaki na kaniyang sinita sa gilid ng daan sa Antipolo, Rizal. Ang pulis, off-duty, nakasibilyan at lasing umano nang mangyari ang insidente, ayon sa ilang saksi.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Jose noong Sabado ng madaling araw.
Sa video footage, madidinig ang boses ng isang lalaki na nagsabing biglang tumigil sa kanila ang lalaking nakasakay sa motorsiklo at nagpakilalang pulis.
Madidinig sa video na may nagsabi na papasok na sila sa gate at magliligpit na ng kanilang gamit.
Ngunit nagpatuloy pa ang usapan hanggang sa hawakan na ang kamay ng nagpakilalang pulis nang makita na mayroon siyang baril, hanggang sa mauwi na ito sa pagkakagulpi sa pulis.
Dinala sa ospital ang lalaki na nagtamo ng sugat sa mukha. Nakumpirma naman ng pulisya na kabaro talaga nila ang lalaki na may ranggong Corporal.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ang sinita nitong grupo ng mga lalaki, pero itinanggi ito ng saksi sa pangyayari.
Ayon sa saksi, naglalaro ng online games ang mga kalalakihan nang dumaan ang lalaking nagpakilalang pulis na sakay ng motorsiklo at nangungursunada umano.
Hindi rin umano makausap nang maayos ang nagpakilalang pulis dahil sa pagiging lasing.
Kinuyog umano ng mga lalaki ang nagpakilalang pulis dahil sa pag-aakala nilang mamamaril na ito nang makita nila ang baril.
Apat na sangkot sa insidente ang inaresto ng mga pulis, at nasa dalawang menor de edad ang nasa Lingap Kabataan.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang nagpapagaling na pulis. – FRJ GMA News
