Nauwi sa trahedya ang pagligo ng dalawang babaeng menor de edad sa Iponan River sa Cagayan de Oro City, nitong Linggo, November 1, 2026.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, makikita sa video footage ang ginawang pagsagip sa mga biktima na edad 12 at 13 sa Barangay Pagatpat.
Mga residente sa lugar ang unang tumugon sa panawagan ng paghingi ng saklolo ng mga biktima, at agad ding dumating ang rescue unit.
Sinubukan munang i-revive ang mga biktima bago dinala sa ospital pero hindi na rin naisalba ang kanilang mga buhay.
Labis naman ang pagdadalamhati ng mga magulang ng mga dalagita sa nangyari sa kani-kanilang anak.
Dahil sa insidente, maglalagay ng karatula ang mga opisyal ng barangay upang ipagbawal ang pagligo sa ilog. –FRJ GMA News
