Sugatan ang isang mag-asawang natutulog matapos silang saksakin ng kanilang anak na lalaki sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sinaksak ang mag-asawa ng kanilang 27-anyos na anak gamit ang kutsilyo.
Nagtamo ng saksak sa dibdib ang ama, habang sugatan sa iba't ibang bahagi ng katawan ang ina.
Sinabi ng pulisya na dinala sa ospital ang dalawa at nasa mabuti nang kondisyon.
Naaresto naman ang suspek, na umamin sa krimen.
Wala pang desisyon ang mga magulang kung magsasampa sila ng reklamo laban sa kanilang anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para alamin ang motibo sa krimen. – Jamil Santos/FRJ GMA News
