Nasabat sa Manila International Container Port (MICP) sa North Harbor, Maynila nitong Miyerkoles ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 200 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.36 bilyon mula sa isang kargamento na nanggaling sa Laos.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na natagpuan ang mga ilegal na droga na nakalagay sa mga plastic bag sa itinago sa mga kahong karton na ilang araw nang hindi kinukuha.
"The illegal drugs, concealed in 200 vacuum-sealed plastic bags inside 50 cardboard boxes, originated from Laos," sabi ng PDEA.
"The seizure comes amid heightened regional efforts against transnational drug trafficking, following the interception of 521 kilograms of shabu in Laos," dagdag nito.
Isinagawa ang operasyon ng sanib-puwersa ng mga operatiba ng PDEA, Bureau of Customs (BOC), at Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng PDEA na nakatanggap ito ng impormasyon mula sa kanilang mga dayuhang counterpart noong Setyembre 2026 tungkol sa kahina-hinalang kargamento ng droga na patungong Pilipinas.
Sa isang punong balitaan, sinabi ni PDEA Deputy Director General for Operations Renato Gumban, na natanggap ang impormasyon noong Setyembre 25 mula sa Anti-Narcotics Police Department ng Vietnam.
Iniulat na ibiniyahe ang kargamento mula Laos papuntang Haiphong sa Vietnam, bago tumungo sa Hong Kong. Saka inilipat ang container van sa isa pang barko sa Hong Kong bago ipinadala sa Pilipinas.
Noong Oktubre 6, dumating ang container sa Manila North Harbor at sumailalim sa X-ray examination, canine inspection, at testing gamit ang Raman spectrometer walong araw pagkatapos.
Nagpositibo ang resulta para sa shabu.
"After the prescribed period lapsed without anyone claiming the shipment, the cargo underwent abandonment proceedings and was subsequently opened, resulting in the discovery and confiscation of the illegal drugs," sabi ng PDEA.
Sinabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez na nagpapakita ang nakumpiskang shabu ng kahalagahan ng pagbabahagi ng impormasyon at koordinasyon ng international counterparts.
"This significant seizure demonstrates the importance of intelligence-sharing and close coordination with our international counterparts," sabi ni Nerez.
"Following the shabu seizure in Laos, this operation further highlights the need for stronger regional cooperation to prevent drug syndicates from exploiting international shipping routes to bring illegal drugs into our country," dagdag niya.
Ayon sa PDEA, isinasagawa ang backtracking para matukoy ang consignee at iba pang mga indibidwal na nasa likod ng kargamento.
Maaaring maharap ang mga sangkot sa mga kasong pag-aangkat ng mga mapanganib na droga sa ilalim ng Section 4, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News
