Nang dahil umano pagtanggi na magbigay ng pandesal, namatay ang isang lalaki matapos suntukin ng lalaking suspek sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Conrado Cera, 54-anyos.

Kinilala naman ang suspek na si Rolando Viado, na tumakas matapos ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nasa palengke ang biktima at bitbit ang isang supot ng pandesal nang makita siya ng suspek at pilit na hiningan umano ng pandesal.

Nang tumanggi umano si Cera, dito na siya sinuntok ni Viado sa likuran.

Isinugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, hihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Pakiusap naman ng asawa ng biktima: "Kung saan man, sino man siya, humarap naman siya para naman mapanagutan niya 'yung nangyari sa asawa ko." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News