Ikinagulat at ikinatuwa ng ilang residente sa Santa Barbara sa Pangasinan ang pagbagsak ng mga butil ng yelo na sumabay sa malakas na buhos ulan. Pero paliwanag ng PAGASA, normal lang ito sa Pilipinas.
Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing Miyekules ng hapon nang maranasan ng mga residente sa tatlong barangay sa Santa Barbara ang pag-ulan ng yelo.
Sa isang cellphone video na kuha ni Ivan Fernandez, makikita na hinawakan pa nila ang bumagsak na maliliit na butil ng yelo.
Ikinuwento ng ilang bata na kinailangan nilang magpayong para hindi tamaan ng yelo.
Ayon naman sa isang residente, malakas na buhos ng ulan lang muna ang kanilang naramdaman hanggang sa unti-unting lumakas ang ingay dahil na pala sa pagbagsak ng mga butil ng yelo.
Paliwanag ng PAGASA, normal lang sa Pilipinas ang pag-ulan na may kasamang maliliit na yelo na karaniwang nangyayari kapag napakainit ng panahon at susundan ng pag-ulan.
Noong Miyerkules, naitala ang 35 degree celsius na temperatura sa Pangasinan.
"Itong 'cb' clouds, ito yung pinakamapakal, at pinakamalamig sa lahat ng uri ng clouds. Ito po yung bukod tanging clouds na nagpo-produce ng thunderstorm, nagpo-produce ng pag-ulan ng yelo," paliwanag ni Engr. Greg de Vera II, chief meteorological officer.
Dagdag niya, malaki ang posibilidad na maulit ang pag-ulan ng yelo dahil na rin sa nararanasang mainit na panahon sa bansa. -- FRJ, GMA News
