Inihayag ng Department of Health na iimbestigahan nito ang pagkamatay ng isang sanggol matapos na hindi raw pumayag ang isang ospital sa Pagadian City na ilagay ang bata sa intensive care unit (ICU) dahil  hindi agad nakabayad ng pang-deposit ang kanyang mga magulang.

"We will investigate," ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial sa isang text sa GMA News Online. "Regional Office 9 will investigate! They have [a] process."

Una rito, sinabing tumanggi raw ang Pagadian City Mendero Hospital na bigyan ang nilalagnat na isang buwang gulang na sanggol na si Chelsey Jane ng tamang atensyon noong Lunes dahil hindi agad nakapagbayad ng P10,000 ang kanyang ina para mailagay ang bata sa  ICU.

Nang makalikom na ng P10,000 ang mga magulang, muli raw humingi ng panibagong P10,000 ang ospital para sa mga aparato na gagamitin ng bata sa loob ng ICU.

Pero bago pa sila makakuha ng pandagdag na bayad, pumanaw na ang bata.

Ang masaklap, nang pumanaw ang bata ay hindi umano kaagad nailabas ng mga magulang ang kanilang anak dahil hinihingan naman sila ng pambayad sa nagastos na sa bata sa ward na umabot ng P10,732.15.

Paliwanag ni Doctor Jaime Navaro, medical director ng ospital, hindi naman raw sila nanghihingi ng initial deposit liban kung isugod sa ICU ang isang pasyente.

Sinabi naman ni Doctor Helen Maño, ang doktor na tumutok kay Chelsey, na sinabihan niya ang ina ng bata na si Iyas na hindi tiyak na masasalba ang kanyang anak kahit pa dalhin sa ICU.

Nangako naman ang administrasyon ng ospital na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa pagkamatay ng sanggol at haharapin din nila ang reklamo ng pamilya nito.

Nitong Agosto, pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang isang panukalang-batas na nagbabawal sa mga ospital na humingi ng deposito sa mga pasyente bago sila bigyan ng atensyon .-- Rie Takumi/Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News