Kasalukuyang nagtitinda ng balut ang isang lalaki nitong Huwebes ng gabi sa Barangay San Isidro, Antipolo City, nang masaksihan niya ang pamamaril sa kanyang anak at dalawang kaibigan nito.
Sa ulat sa "Unang Balita" ni Vonne Aquino, sinabing nakaupo pa ang tatlong magkakaibigan sa gilid ng kalsada sa Marcos Highway ng nabanggit na barangay nang pagbabarilin sila ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo.
Kinilala ang mga biktima na sina Ricky de Pedro, Michael Cabinto at Rodskie Abalona, na pare-parehong dead on the spot.
Bumagsak sa tapat ng bakery si De Pedro, samantalang bumagsak naman sa eskinita sina Cabinto at Abalona.
Ayon sa salaysay ni Carlos de Pedro, ama ni Ricky, nakarinig daw siya ng mga putok ng baril habang nagtitinda ng balut, at nasaksihan ang pamamaril sa anak.
"Natatandaan ko yung damit ng anak ko. Tumagilid lang diyan. Sabi ko, 'Bakit kaya binaril yung anak kong yun?' Tapos maya-maya, bumalik pa yung [lalaki] mga seconds lang, mga tatlo o apat na hakbang, binaril na naman siya ulit."
Natagpuan sa crime scene ang limang basyo ng .45 caliber pistol.
Ayon pa sa ama ni De Pedro, dati nang pinatawag ang kanyang anak sa barangay, pero hindi niya alam ang dahilan.
Iimbestigahan pa ng mga pulis kung dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang mga biktima. — Jamil Santos/RSJ/KVD, GMA News
