Nauwi sa disgrasya ang pakikipagkita ng dalawang dalagita sa kanilang mga nakilala sa social media sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News "Balita Pilipinas," sinabing naaresto ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na inireklamo ng rape na sina Dave Llena at Norman Maraña.

Biyernes umano ng gabi nang makipagkita ang magkaklaseng biktima sa dalawang suspek na nakilala nila sa Facebook chat.

Pumayag umano ang mga biktima na makipagkita at magpunta sa bahay ng isa sa kanilang ka-chat. Doon ay inabutan nila sina Llena at Maraña na naghahanda ng inuming alak.

Nang mahilo ang dalawa dahil sa nainom, nahiga raw muna sila para magpahinga ngunit doon na sila hinalay ng mga suspek.

"Nagkayayaan lang na... bale mag-jamming lang. Rape po ang kakaharaping kaso [ng mga suspek]," sabi ni SPO4 Gerardo Ellamil, Mespo, San Fabian Police Station.

Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang laban sa kanila.

Desidido naman ang mga kaanak ng mga biktima na sampahan ng kaso ang mga suspek.

Paalala ng pulisya sa mga kabataan, huwag basta-basta magtitiwala sa mga nakikilala lang sa social media.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News