Lumantad at itinanggi ng lalaking pinaghihinalaang sadya niyang inihulog mula sa tricycle ang kaniyang kinakasama sa Mangaldan, Pangasinan. Giit niya, kusang tumalon mula sa tricycle ang biktima.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ni Jake Rosalin na lumantad siya para ibigay ang kaniyang panig dahil na rin sa mga natatanggap na banta sa buhay.

Giit niya, walang katotohanan na inihulog niya mula sa pinapatakbo niyang tricycle si Nikka Pasiliao, bagkos ay kusa raw tumalon ang babae.

Nasawi si Pasiliao dahil nabasag ang bungo nito dahil sa pagkakahulog.

Ayon sa ina ni Pasiliao, sinabi sa kaniya ng anak ang tunay na nangyari bago bawian ng buhay.

Naghihinanakit din ang ina kung bakit sa bahay dinala ni Rosalin ang kaniyang anak sa halip na itakbo sa ospital.

Giit ni Rosalin, hindi niya magagawa ang ibinibintang ng ina ni Pasiliao.

"Mama hindi ko po magagawa sa anak niyo 'yang paratang niyo sa akin. Iyong sinabi niyong tinulak ko siya, hindi ko po siya tinulak. Bagkus iuuwi ko pa po sa inyo," sabi ni Rosalin.

Dagdag pa niya, "Maraming dumarating sa akin na banta. Siyempre sir alam niyo na mga tao, may masasagap na balita, ibabalita sa akin sir."

Sinabi pa ni Rosalin na hindi siya tumakas, bagkos ay nagpunta lang sa Pampanga sa pinapasukan niyang trabaho.

Sa kabila nito, nanindigan ang pamilya ng biktima na si Rosalin ang nasa likod ng pagkamatay ni Pasiliao.

Hindi umano sila titigil ang hangga't hindi nakakamit ni Pasiliao ang hustiya.

"Hinding-hindi ko iaatras ang kaso. Para sa akin bilang magulang, napakasakit sa akin na nawalan ako ng anak,"  sa ina ni Pasiliao.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa naturang insidente.

"Sa ngayon, nagka-conduct tayo ng follow-up investigation. So far may mga witnesses na tayo who would want to give their statements," ayon kay Rizaldy Jaymalin, hepe ng NBI-Dagupan City.-- FRJ, GMA News