Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pagsalakay ng isang kawatan na naglambitin sa mga bintana sa isang apartment sa Santa Cruz, Laguna para makapagnakaw.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing madaling-araw nitong Marso 29 nang sumalakay ang kawatan habang mahimbing na natutulog ang mga residente sa isang apartment sa barangay Bubukal sa nabanggit na bayan.

Sa CCTV, makikita ang kawatan na naghubad pa ng sando habang  nakalambitin at isinuksok ang damit sa kaniyang shorts.

Kapansin-pansin ang tattoo sa likod ng katawan ng magnanakaw.

Sa unang bintana na sinipat ng kawatan, kaagad siyang may nakuhang cellphone. Nagpalipat, lipat pa siya sa iba pang bintana.

May ginamit din siyang alambreng panungkit para makuha pa ang ilang gamit.

Ayon sa ulat, maliban sa cellphone, may mga natangay na mga alahas ang akyat-bahay.

Naireport na sa pulisya ang insidente at nananawagan ang mga pulis na agad ipagbigay-alam sa kanila kung may nakakakilala o nakakita sa naturang kawatan.-- FRJ, GMA News