Sinagip ng Talisay City Social Welfare and Development (CSWD) ang limang batang magkakapatid na mag-iisang buwan nang inabandona ng kanilang ina sa Negros Occidental. Ang ilan sa kanila, halos buto't balat na.
Sa ulat ni Louanne Mae Rondina sa GMA News "Balita Pilipinas," sinabing ang mga bata ay may edad pito, apat, tatlo, dalawa at isa.
Nasagip ang magkakapatid sa kanilang bahay sa Barangay Linao, matapos makita ng CSWD ang social media post ng isang residente tungkol sa kalagayan ng mga bata.
Napag-alaman na latero o taga-ayos ng bubong ang kanilang ama at palagi itong wala sa kanilang bahay, ayon sa hepe ng CSWD.
"Ang sabi ng ama, umalis daw ang ina ng mga bata pero sa tingin namin, hindi pa namin thoroughly na-assess, possible na hindi talaga naalagaan ng mabuti na rumesulta ng ganitong kalagayan ng mga bata," sabi ni Felipa Solana, head, DSWD Talisay.
Kaagad na ipina-checkup ang magkakapatid matapos na mailigtas.
"Dalawa sila na dinala sa Talisay District Hospital. Pina-check up natin sila. Ang isa na-admit, ang isa pinauwi lang sa bahay at binigyan ng gamot ng doktor," sabi pa ni Solana.
Dinala ang siyete-anyos na batang babae at dalawa pa niyang nakababatang kapatid na lalaki sa Women and Children Development Center kung saan sila binigyan ng mga gamot at vitamins.
"Silang tatlo ay malnourished. Pero may diarrhea ang isa sa kanila," sabi ni Rez Alma Fe Bacaltos, social worker.
Ayon sa social worker tila labis na nahirapan ang mga bata sa kanilang dinanas pero hindi na nila hinahanap ang kanilang mga magulang.
Sa kabila ng nangyari, sinabi ng City Social Welfare and Development na maaari pang bisitahin ng ama ng mga bata.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
