Nag-movie marathon pa si Mark Tristan Robosa sa kanilang bahay sa Barangay San Vicente, Calasiao, Pangasinan habang hinihintay ang paglabas ng resulta ng June 2018 nurse licensure examination.
Nang malaman ang resulta, hindi niya mailarawan ang pakiramdam.
Hindi lang kasi siya pumasa, siya pa ang nakakuha ng unang puwesto sa gradong 87.60 percent.
Ayon sa Professional Regulation Commission o PRC, mahigit apat na libo ang pumasa sa licensure exam mula sa halos sampung libong kumuha ng pagsusulit.
"Overwhelming po, hindi po talaga ako makatulong kanina po. Hanggang ngayong ina-absorb ko pa rin 'yung moment kasi parang hindi ako makapaniwalang nangyari po talaga," kuwento niya sa ulat ni Jasmine Gabriel ng RTV-Balitang Amianan.
Bukod kay Mark, pasok din sa top ten ang kaniyang batchmates na sina Chielon Abalos at Daisy Fernandez mula sa Phinma University of Pangasinan.
Lahat sila, nagpapasalamat sa diyos at sa mga sumuporta sa kanilang pag-aaral, lalo na ang kanilang pamilya.
"Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos kasi binigyan niya ako ng ganitong blessing tapos isang karangalan para sa pamilya ko," ani Chielon.
"Plano ko siguro magrelax sandali kasama ang family and friends, and then after that mag-start na ring tumingin ng hospital na mapapasukan," pahayag naman ni Daisy.
Ang pinakamaligaya sa tagumpay ng mga pumasa, ang kanilang mga pamilya."Masaya ako para sa kanya, ang pangarap niya itutuloy niya sa pagka-doktor," ayon sa lola ni Mark na si Remedios Robosa.
"Talagang masipag mag-aral, 'yung mga kwarto niya, laging may mga nakakabit na kung anu-ano dian. Noong high school pa lang talagang masipag na siya," dagdag naman ng ina niyang si Teresita Joves.
Payo naman ni Mark sa mga nangangarap ding maging matagumpay: "Kung gusto nilang maging successful, gawin nila kung anong gusto nila. Kasi sa akin kaya siguro nagawa ito kasi gusto ko po talaga ang health care specifically nursing. Wala pong pumilit sa akin." —JST, GMA News
