Tatlong miyembro umano ng isang kilabot na grupo na sangkot sa iba't ibang iligal na gawain ang napatay ng mga awtoridad matapos na manlaban daw sa isinagawang operasyon sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing kabilang sa mga napatay ang lider umano ng grupo na si Dennis Ambrosio,  alyas Pangok.

Patay din ang dalawang kasama ni Ambrosio na sina Ernesto Gangat, alyas Negro, at Danilo Sonaco alyas Muneng.

Sinabi ni Police Chief Inspector Reinweck Alamay, hepe ng San Fabian Police, na sangkot ang grupo sa illegal drugs, motornapping, cattle rustling, robbery holdup and akyat-bahay, at nag-ooperate sa Pangasinan at kalapit na mga lalawigan.

Nasukol daw ang grupo nang magpanggap ang asset ng pulisya na bibili ng motorsiklo sa halagang P13,000 sa Barangay Lekep Butao sa San Fabian.

"Napansin nila na yung pera eh boodle money, bumunot kagad itong kasamahan nila, pinapaputukan kaagad itong operatiba natin kaya tinamaan ito. Luckily, nakasuot siya ng vest, sa likod siya tinamaan, nabaliktad siya, doon na doon nagkaroon ng putukan. Yung mga kapulisan natin, pumutok na din," sabi ni Alamay.

Ang motorsiklo na ibebenta umano ng grupo ay binago na ang kulay pero nanatili pa rin ang chassis number at plate number kaya natukoy pa rin ng mga awtoridad.

Nakuha sa mga napatay na suspek ang tatlong baril, at pitong pakete ng umano'y iligal na droga.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga suspek.-- FRJ, GMA News