Nauwi sa sapakan ang komprontasyon ng security guard at isang menor de edad sa loob ng convenience store sa Puerto Princesa sa Palawan, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita nitong Lunes.
Kita sa video na halos mahubaran na ng pang-itaas ang menor de edad habang nakikipag-away sa security guard habang umaamba naman at nagmumura ang kanyang kasama na tila may bubunuting patalim.
Ayon sa ulat, naaktuhang nangungupit ng guwardiya ang dalawang menor de edad sa convenience store.
Nang humupa ang sitwasyon, pinasulat ng guwardiya ang mga pangalan ng menor de edad sa isang logbook sabay banta na huwag na silang babalik doon.
Bago pa man ang insidente, nag-report na ang may-ari ng convenience store tungkol sa kabataang kaduda-duda umano ang kilos.
Dinampot ng mga pulis ang mga kabataan at na-turnover na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). —KBK, GMA News
