Napatay ng mga pulis ang ama na inirereklamo ng kaniyang kinakasama na nanghalay umano sa apat na buwang gulang nilang anak sa Gerona, Tarlac. Ayon sa pulisya, nang-agaw daw ng baril ang suspek, bagay na hindi naman pinaniniwalaan ng mga kaanak nito.

READ: Sanggol na 4 na buwang gulang, inabuso umano ng ama

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing nakipagkita nitong Linggo ang suspek sa mga pulis sa isang bahagi ng MacArthur Highway sa Gerona, Tarlac para mag-usisa umano tungkol sa inirereklamo sa kaniya ng ka-live in.

Matatandaan na naibalita noong nakaraang Biyernes ang hinanakit ng kaniyang kinakasama dahil sa ginawang kahalayan ng suspek sa kanilang sanggol na anak.

Dahil din sa takot, napilitan umanong umalis sa Tarlac ang ginang at kaniyang anak.

Hindi pa naaresto noon ang suspek dahil hinihintay pa ang pag-usad ng kaso na isinampa ng ginang.

Ayon sa pulisya, nag-iba raw ang timpla ng suspek at nagalit nang malaman na naisampa na ang kaso laban sa kaniya.

Dahil nagwawala na,  inaresto na ang suspek at dadalhin sa himpilan ng pulisya. Pero nang nasa loob ng mobile patrol, inagaw umano nito ang baril ng isang pulis kaya napilitan ang iba pang pulis na paputukan siya.

Isinugod pa sa ospital ang suspek pero binawian din ng buhay.

Hindi naman kumbinsido ang pamilya ng suspek sa kuwento ng mga pulis.

Giit nila, may mga nagpakilalang pulis na kumausap daw sa suspek na umuwi at linawin ang akusasyon laban sa kaniya.

Pero sa bus station pa lang, may sumundo na raw sa suspek at isinakay sa police mobile.

Naniniwala pa rin ang mga kaanak ng suspek na hindi totoo ang paratang ng ka-live in nito na pinagsamantalahan ang kanilang anak.

READ: Suspek sa pag-rape sa 8-buwang-gulang na babae, patay nang manlaban umano sa mga pulis

Noong nakaraang linggo, isang suspek din sa panghahalay umano sa isang sanggol sa Manila ang napatay din habang nasa kostudiya ng mga pulis matapos din daw na mang-agaw ng baril sa loob ng presinto. -- FRJ, GMA News