Sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng matapang na 12-anyos na si Diego kung papaano siya nakipaglaban sa buwaya na sumakmal sa kaniya sa Balabac, Palawan noong lang nakaraang linggo. Kuwento ni Diego, kinagat niya sa ilong ang buwaya habang dinadala na siya sa malalim na bahagi ng ilog.

Habang nagpapagaling sa ospital dahil sa tinamong mga sugat at galos, at namamaga pa ang mata, ikinuwento ni Diego na unang inakala niya na kahoy lang ang bumangga sa kaniya habang nasa ilog siya para sana maligo.

Huli na nang malaman niyang buwaya pala ang lumapit sa kaniya at sinakmal na siya papunta sa malalim na bahagi ng tubig.

Habang nagpupumiglas sa pagkakasakmal ng buwaya sa isa niyang braso, sinabi ni Diego na nagawa niyang mahawakan ang ulo ng hayop at kinagat niya ito sa nguso.

Sa kaniyang paglutang, nandoon na rin ang kaniyang ama na armado ng itak para iligtas ang anak.

Nang lumabas ang ulat tungkol sa insidente, walang nabanggit kung ano ang nangyari sa buwayang sumakmal kay Diego.

Binalikan ng "KMJS" team ang ilog kung saan nangyari ang insidente at nagulat sila sa kinahinatnan ng buwaya.

Samantala, pinuntahan din ang lugar kung saan may isang mangingisda ang namatay matapos lapain ng isang buwaya.

Bagaman nahuli ang buwaya na pinaniniwalaang lumapa sa mangingisda, nakunan naman sa drone na may isa pang buwaya na pagala-gala na naman sa lugar. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News