Kinumpiska ng mga awtoridad ang ilang baka at kalabaw na "binomba" muna umano ng tubig bago katayin sa isang slaughterhouse sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sa ulat ni Victoria Tulad nitong Miyerkules sa "Balita Pilipinas Ngayon," makikita sa video ng National Meat Inspection Service (NMIS), ang pagbulwak ng tubig mula sa ilong at bibig ng kinatay na baka nang ibitin.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 15, mahigpit na ipinagbabawal ang sapilitang pagpapainom ng tubig sa mga baka at kalabaw. Ginagawa raw ito ng mga dealer para bumigat ang timbang nito at kumita ng mas malaki.
Isa rin daw itong paglabag sa Animal Welfare Act at National Meat Inspection Code.
Paliwanag ni Dr. Rudio Abulencia, admin officer ng NMIS 1, maaari pa raw itong magdulot ng sakit sa mga mamimili.
"Pinagbawal na po ang tinatawag nating 'flooding' sapagkat wala po itong idudulot na kabutihan. Unang una, ito ay maaaring magdulot ng sakit o puwedeng ikamamatay ng hayop at puwede rin itong maging sanhi ng kontaminasyon ng karne," sabi ni Abulencia.
"The moment po na gagawin ulit nila, sila po ay mapapatawan ng mas mabigat na kaparusahan, maaaring pagkakulong at pagmulta," dagdag ng opisyal.
Paalala ng NMIS, dapat may meat inspection permit certificate ang mga panindang karne.
Ibinaon na ng mga awtoridad ang nakumpiskang karne at mas hinigpitan ng mga awtoridad ang pag-inspeksyon sa ibinebentang karne sa mga pamilihan.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
