Nauwi sa pamamaril ang pagwawala ng isang lalaki nang mabaril niya at mapatay ang isang tricycle driver na bumangon mula sa pagkakatulog para umawat lang sana sa nangyayaring kaguluhan sa Lingayen, Pangasinan.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isang tama ng bala ng baril sa tagiliran ang ikinamatay ng biktimang si Bobby Ramos, ng Barangay Quibaol sa Lingayen.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagising ang biktima mula sa pagkakatulog nang madinig ang kaguluhan sa kanilang kapitbahay.
"Noong palapit siya kay Paolo, biglang lumapit itong si Bert Rodriguez. Paglapit sa kaniya binaril, allegedly according sa eye witness natin," sabi ni Police Superintendent Gaston Cafongtan, hepe ng Lingayen Police, patungkol sa testimonya ng testigong si Mercedes, asawa ng biktima.
"Gusto ko susuko na siya para mag-usap kami dito... hindi na maibalik ang asawa ko," umiiyak na pahayag ng ginang.
Lumalabas din sa imbestigayson ng pulisya na dati nang may alitan ang suspek at ang biktima dahil umano sa boundary ng lupang kinatitirikan ng kani-kanilang bahay.
Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang pamilya ng suspek pero wala sila sa kanilang bahay. --FRJ, GMA News
