Nahuli-cam ang paglabu-labo ng mga kalalakihan sa labas ng hilera ng mga bar sa Bacolod City. Sa dami ng sangkot sa gulo, hindi kaagad sila naawat ng mga security guard.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nagmistulang eksena sa pelikula ang nangyaring rambol sa Ramos Street sa Bacolod City.
Sa video, makikita na may nag-susuntukan, naghahagis at nanghahampas ng bangko, at may natumba pa.
Mga mga umawat namang security guard sa gulo pero mas marami ang mga sangkot sa rambulan na tinataya ng mga awtoridad na kinasasankutan ng higit sa dalawang grupo.
Hindi pa umano malinaw kung ano ang pinagmulan ng gulo pero lalo raw paiigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa lugar.
Dati nang nadawit sa kontrobersiya ang lugar matapos ma-videohan sa isang bar ang ilang babaeng tila lasing at sumasayaw nang malaswa.
Napag-alaman ding karamihan umano sa mga bar ay walang permit at walang sapat na seguridad.
"Hindi naman na actually kailangan ng bouncer, dapat may guwardiya sila na nagche-check nang mabuti sa mga pumapasok na customer. May mga pulis na ring umiikot sa mga bar," sabi ni Police Major Sherlock Gabana. -- FRJ, GMA News
