Patay ang isang 21-anyos na lalaki na magtatapos na sana ngayong taon sa kolehiyo matapos siyang barilin ng dalawang holdaper sa Cebu City nang ipagtaggol niya ang kasama niyang babae.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jovanie Pat, na inaasahan ng kaniyang pamilya na makatutulong sa kanila na makaahon sa buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad umano si Pat kasama ang isang babae nang harangin sila ng dalawang lalaki at tinutukan ng baril.

Hindi umano basta pumayag ang dalawa na ibigay ang bag ng babae hanggang sa binaril ng salarin si Pat na tinamaan ang ugat sa singit na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ang ama ng biktima, hindi matanggap ang sinapit ng anak, na pangpito sa 14 na magkakapatid.

Isa siya sa inaasahan ng kaniyang mga magulang na makapag-aahon sa kanila sa hirap.

"Inaasahan namin na makapagtapos siya para makatulong sa aming pamilya at sa mga kapatid niya," hinanakit ng ama.

Nanawagan ang pamilya ng biktima sa mga salarin na sumuko at pagbayaran ang ginawa nilang krimen.

Ipinag-utos naman  ng Central Visayas Police na alamin ang pagkakakilanlan ng mga salarin at tugisin.

Hinala ng Police General Debold Sinas, Director PRO-7,  mga dating holdaper na nakalabas dahil sa piyansa ang maaaring nasa likod ng krimen.-- FRJ, GMA News

Tags: