Patay ang dalawang babae matapos silang pagsasaksakin umano ng kanilang kaibigan na sisingilin nila ng utang sa Mabalacat City, Pampanga. Pero depensa ng suspek, pinasok sila sa loob ng bahay ng isang lalaki, bagay na pinagdududahan ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga biktima na sina Karren Guevarra at Carmencita Hernandez, na natagpuan ang duguang mga bangkay sa loob ng isang bahay.
Suspek naman sa pagpatay ang kaibigan nilang si Rachel Alabado, na nasa kostudiya na ng mga awtoridad.
Ayon kay Mercedes Guevarra, ina ng Karren, niyaya ni Alabado ang kaniyang anak at si Carmencita na pumunta sa Mabalacat para doon daw babayaran ang kaniyang utang na nagkakahalaga ng P100,000.
"Ang sabi po niya meron daw po siya, sa isang banda po, meron po siyang nakuhang pera du'n sa mga bata, ang sabi niya at babayaran na yung dalawang kaibigan niya. Tapos pagdating po du'n sa Mabalacat, yun po. 'Yun na ang nangyari," sabi ni Mercedes.
Noong una ay ayaw pa raw sanang sumama ni Karren ngunit mapilit umano si Alabado kaya pumayag na rin ang biktima.
"Ang sabi ni Rachel kay Karren at Carmencita, hihiramin po yung ATM nila at meron po siyang masisingil na ipapasok dun sa ATM babayaran na sila. Sumama naman po yung dalawa," sabi pa ni Mercedes.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi nabayara ni Alabado ang utang na P100,000 dahil naipasok nito ang pera sa isang investment scam.
Depensa naman ni Alabado sa pulisya, may pumasok na isang lalaki sa bahay at ito ang gumawa ng krimen.
Hinataw daw siya sa ulo ng lalaki at nagtulog-tulugan na siya kaya hindi na siya sinaktan.
Ngunit ang mga awtoridad at pamilya ng mga biktima sa kuwento ng suspek dahil sarado mula sa loob ang pintuan ng bahay. Kaya naman puwersahan na itong pinasok ng mga awtoridad.
"Sinira na nu'ng pulis at mga barangay tanod. Naka-lock sa loob," sabi ni Danilo Garcia, tiyuhin ni Karren.
Bagaman may nakitang mga sugat sa katawan ni Alabado, hinihinala na "self-inflicted" ito o sinugatan na lang mismo ng suspek ang sarili.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
Panawagan ng mga kaanak ng biktima kay Alabado, umamin sa krimen kung siya talaga ang may kasalanan.-- FRJ, GMA News
