Napatay ng mga pulis sa engkuwentro nitong Lunes ng umaga ang dalawang suspek sa pamamaril sa isang piskal sa Calapan City, Oriental Mindoro noong nakaraang linggo.



Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang mga napatay na sina Robert Magboo at Edefer Hindap Gran, na suspek sa pamamaril kay Josephine Caranzo Olivar noong June 10.

Pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek para arestuhin dakong 5:00 am  sa Barangay Sapul pero nagpaputok daw ang dalawa habang papalapit ang mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na dahilan ng agad na pagkakasawi ng mga suspek.

Bago nito, may narekober noong nakaraang Miyerkules ang motorsiklo na ginamit umano ng dalawa sa krimen.

Nakuha sa motorsiklo ang isang baril na kalibre .45 at student permit ni Magboo.

Aalamin naman ng SOCO kung ang ginamit na mga baril ang mga suspek ang ginamit din nila sa pananambang sa piskal na patuloy na nagpapagaling.--FRJ, GMA News