Nalunod ang isang bata nang madulas ito habang nanonood ng Pagoda Festival sa Bulacan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Naisugod pa ang 11-anyos na si John Red dela Cruz sa Calumpit District Hospital pero idineklara na siyang dead on arrival.

Bukod kay Dela Cruz, isa pang bata ang kasabay niyang nadulas sa ilog ngunit nailigtas ito.

Nanunuod kasi ang ilang kabataan sa prusisyon ng mga pagoda nang aksidenteng madulas ang dalawa nilang kasamahan sa gilid ng ilog.

“Gumagawa po ako ng motor doon sa bahay namin sa harapan. Mayroon pong sumisigaw na bata ng saklolo. Tumawag po sa 'kin pamangkin ko na may nalunod po,” sabi ni Francisco Roxas na rumesponde sa insidente.

Lumundag sa ilog si Roxas at hinila ang damit ng isang bata, pero madulas ang gilid ng ilog kaya hindi siya maka-ahon mula sa rumaragasang tubig

“Yung isang bilas (bayaw)  kumuha po siya ng kawayan. Inabot niya po sa akin dahil madulas po 'yung baba.  Dumudulas po ako. Bumabalik po ako sa tubig," ani Roxas. —Joviland Rita/KBK, GMA News