Arestado ang isang lalaki na pang-limang most wanted sa Malolos City, Bulacan na nagtatago sa Cavite ng mahigit tatlong taon dahil sa kasong panggagahasa ng isang menor de edad.

Sa bisa ng warrant of arrest ay hindi na nakapalag pa nang arestuhin noong Huwebes sa General Trias, Cavite ang suspek na kinilalang si Rolando Apolong, 45, na suspek sa panggagahasa sa 16-anyos na biktima na itinago sa pangalang Mei.

Si Mei ay anak ng kanyang ka-live in partner.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na hindi naman mapigilan ng biktima na humagulgol ng iyak ng makaharap ang amain at itinuro sa harap ng mga pulis na siya umanong gumahasa sa kaniya.

Ayon sa biktima, walong taon siyang minomolestya at ginagahasa ng suspek kapag wala ang kanyang ina sa bahay.

Limang taong gulang pa lang siya ng magsimula siyang halayin hanggang sa umedad siya ng 13 anyos ay paulit-ulit pa rin siya na hinahalay ng amain.

Tinatakot at sinasabing papatayin ang lahat ng kaniyang kamag-anak kung magsusumbong siya.

Hindi na niya mabilang kung ilang beses siya hinalay ng amain.

Hanggang noong ika-8 ng Abril 2016 ay huli siya nitong gahasain at dito na siya nagsumbong sa kaniyang tiyahin dahil hindi na niya masikmura ang ginagawa nito.

Nais niya na mabulok sa kulungan ang suspect at hindi niya ito mapapatawad.

Pahayag ng tiyahin ng biktima, nasisiyahan siya sa pagkakaaresto sa suspect at nais niya itong magdusa sa loob ng kulungan.

Nang malaman niya ang panggagahasa sa pamangkin ay nagpasya siya na magsampa ng kaso.

Nang tanungin niya ang pamangkin kung nagsabi siya sa ina ay hindi raw ito naniwala sa kaniya.

Kaya pala aniya ay laging nanlalata at tahimik ang kaniyang pamangkin noong bata pa ay may nangyayari ng hindi maganda sa kanya.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Emerey Abating, hepe ng Malolos City Police, natunton nila ang kinaroroonan ng suspect.

Wala naman aniyang involvement ang suspect sa droga.

Hindi naman inaamin ng suspect ang ginawang panghahalay sa dalagita at naging matipid ito sa kanyang salita, ayon kay Abating.

Mahaharap ang suspect sa kasong Statutory Rape at sa kasalukuyan ay nakapiit siya sa custodial facility ng Malolos Police Station. —LBG, GMA News