Hinihinalang ginahasa at natagpuang walang saplot at wala nang buhay ang isang 16-anyos na dalagita sa bayan ng Atimonan sa lalawigan ng Quezon noong Miyerkules ng gabi.
Kritikal naman ang kalagayan ng ina ng bata matapos saksakin ng itak sa leeg ng live-in partner na suspek sa panggagahasa.
Sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng dalagita sa kanilang bahay sa Barangay Caridad Ibaba, Atimonan pasado alas-6 ng gabi noong Miyerkoles.
Kinilala ang dalagita na si Regine Retis at ang ina nito na si Susan Retis.
Bago pa matuklasan sa loob ng bahay ang katawan ng dalagita ay sinaksak naman ng suspek sa leeg ang ina nito sa labas ng kanilang bahay habang nakikipag kwentuhan sa kapit-bahay.
Suspek sa krimen ang mismong kinakasama ni Susan na si Dario Salomeri na agad tumakas matapos maisagawa ang krimen.
Agad naman naisugod sa isang pagamutan sa Atimonan si Susan habang nakatarak pa ang itak sa leeg nito.
Hinihinala ng mga awtoridad, ginahasa muna ang dalagita bago pinatay.
Pinaghahanap na ng mga pulis ang suspek. —LBG, GMA News
