Patay ang isang babaeng negosyante matapos siyang barilin ng isang holdaper sa loob ng kaniyang tindahan sa Norzagaray, Bulacan. Ang suspek, namatay naman matapos batuhin siya ng tangke ng gasul ng helper sa tindahan habang tumatakas.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, makikita sa CCTV nang pumasok ang holdaper sa tindahan ng biktimang si Melanie Palad.

Nagpambuno ang dalawa hanggang barilin ng holdaper ang biktima.

Kaagad namang sumaklolo ang helper na may pasan na tangke ng gasul at hinampas ang holdaper na kumaripas ng takbo palabas ng tindahan.

Pero bago siya tuluyang makalayo, ibinato ng helper ang tangke at tinamaan sa ulo ang holdaper at bumagsak sa kalye.

Maya-maya lang, isang lalaki na hinihinalang kasabwat ng nakabulagtang holdaper ang lumapit.

Nang makita ng helper na kinuha ng lalaki ang nabitiwang baril ng holdaper, hahampasin din sana niya ng tangke ang lalaki pero nagpaputok ito ng baril bago tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.--FRJ, GMA News