Kumurot sa puso ng mga netizen ang pagmamahal ng isang aso sa kaniyang pumanaw na amo sa Capas, Tarlac.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, noong nabubuhay pa si Mang Boy ay madalas niyang i-angkas sa bisikleta ang alagang si Chuchu.
Anak na raw ang turing niya sa aso at isinasama pa niya ito sa trabaho.
Nang mamatay si Mang Boy dahil sa atake sa puso, tila dinibdib ni Chuchu ang kaniyang pagkaulila. Ilang araw daw itong nagpalaboy-laboy sa kalsada.
Nakaisip naman ng paraan ang mga nakikiramay sa kaniyang kapitbahay at inilabas ang bisikleta ni Mang Boy para mahikayat na umuwi ang aso.
Nang makita ito ni Chuchu, sumama na siya papunta sa burol ng kaniyang amo.
Sinilip ng aso ang labi ni Mang Boy at ilang oras ding nanatiling nakasakay sa bisikleta.
Lumipat siya kalaunan sa ilalim ng kabaong at doon nagbantay. —Dona Magsino/KBK, GMA News
