ODIONGAN, Romblon —Isang lalaki ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police-Maritime Group at ng Coast Guard Special Operations Force sa pagkakalunod matapos itong tumalon sa Sibuyan Sea sa Romblon mula sa sinasakyang barko nitong Lunes, September 30.

Ayon sa PNP-Maritime Group, sakay ng barkong MV St. Michael the Archangel ng 2Go Travel ang 53-anyos na lalaki mula Zamboanga at patungong Manila nang tumalon ito habang naglalayag sa gitna ng dagat.

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang Coast Guard at ang PNP para mailigtas ang lalaki.

Ayon sa awtoridad, nakitaan ng pagkabalisa ang lalaki at posibleng nakakaranas umano ito ng depresyon kaya ito tumalon sa tubig.

Ligtas na ngayon ang lalaki at nakarating na sa Maynila. —LDF, GMA News