Isang sanggol na nagdiwang ng kaniyang unang kaarawan nitong nakaraang buwan lang ang nasawi matapos siyang tagain ng sariling ina sa Mataasnakahoy, Batangas.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing walang kasama sa inuupahang apartment ang mag-ina at nasa trabaho ang kanilang padre de pamilya nang mangyari ang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtamo ng mga sugat sa leeg ang sanggol na lalaki.

Nadatnan umano ng mga kaanak at awtoridad ang ina na tulala at nasa sulok habang patay na ang bata.

Nakuha rin sa kanya ang gulok na ginamit sa krimen.

Ayon sa pulisya, hindi nila nakitaan ng indikasyon na gumagamit ng ilegal na droga ang suspek. Pero paulit-ulit daw nitong idinahilan na nagdilim lang ang kaniyang paningin kaya nagawang paslangin ang bata.

Nakadetine ngayon sa himpilan ng pulisya ang suspek na mahaharap sa reklamong parricide.-- FRJ, GMA News