Pinapangambahan na muling mang-atake ng  tao ang buwayang may habang 14 na talampakan na sumakmal sa isang 12-anyos na babae sa Balabac, Palawan kaya kailangan na itong hanapin at hulihin para maialis sa ilog.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing si Hanalisa Habie ng Barangay Poblacion 6, ang pinakabagong biktima ng crocodile attack sa Balabac.

Ngayong taon,  sinabi ng Palawan Council for Sustainable Development o PCSD, anim na tao na ang inatake ng mga buwaya sa Balabac at apat sa mga biktima ang nasawi.

Hapon nitong Biyernes nang sakmalin ng buwaya sa binti si Habie habang patawid sila ng kaniyang kuya sa ilog at ginamit nilang tulay ang natumbang puno.

"Bigla na lang siya nahulog. Hindi ko napansin na may buwaya pala sa paa niya na kumagat," kuwento ng kapatid ng biktima, na nailigtas nang hatakin siya ng kaniyang kuya.

Kaagad na inimbestigahan ng PCSD ang insidente at nakunan ng litrato ang buwaya na 14 na talampakan ang haba.

Sa mga ilog at bakawan ng Balabac nagtatago at nakatira ang malalaking saltwater crocodiles sa isla at hindi madaling makita lalo na sa dilim.

Dahil sa ilog din dumaraan ang mga bangka ng tao at doon din naglalaba o naliligo ang iba, hindi maiwasan na magtagpo ang hayop at tao.

Naglagay na ng mga sticker at karatula sa lugar para iwasan ang pagtawid at paglapit ng mga tao sa lugar na may  nangyaring pag-atake.

Sa susunod na linggo, nakatakdang hulihin ang buwayang umatake kay Habie para ilipat  sa crocodile farm sa Puerto Princesa.

Ang buwaya umanong nakatikim na ng dugo ng tao, panganib na raw sa komunidad.

"Meron na siyang plano ngayon kasi napag-usapan na rin ng local government, between PCSD at DENR na magtatayo nga ng sanctuary," sabi ni  Jonathan Montalba, PCSD- Balabac.

Si Idi Bonite, naniniwalang dati nang nakakagat ng tao ang buwayang pumatay sa kaniyang anak noong nakaraang taon.

Gabi-gabi ay may mga buwaya pa rin na daw nag-iikot sa dagat malapit sa pier ng bayan kung saan kinuha noon ang kanyang anak na si Cornelio.-- FRJ, GMA News