Binaril umano at napatay ng isang batang walong-taong-gulang ang kaniyang sariling ama sa Sipalay City, Negros Occidental. Ang biktima, nananakit umano kapag lasing.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Sipalay City Police officer in charge Mark Mabayad, na nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib ang 39-anyos na ama.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng mag-ama.

Umuwi umanong lasing ang ama at sinipa ang kaniyang anak sa mukha. Kasunod nito ay kumuha ng baril ang bata na ipinutok sa kaniyang ama.

Ayon sa pulisya, marunong gumamit ng baril ang bata dahil na rin sa pagtuturo ng ama.

Wala umano sa bahay ang ina ng bata dahil nagtatrabaho ito sa Maynila.

Nasa kostudiya na ng social welfare ang bata.

Sa ulat naman ng GMA News "Quick Response Team," sinabing inabutan umano ng ama ang bata na pinaglalaruan ang baril na cal.38.

Pinagalitan umano ng ama ang anak at sinipa pa kaya gumanti ang bata at binaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril, nagkulong daw sa kuwarto ang bata.

Ang dalawa niyang nakatatandang kapatid ang nakakita sa duguan nilang ama at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Iniimbestigahan naman ng mga pulis kung bakit may baril ang biktima.-- Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News