Dead on the spot ang limang tao matapos araruhin ng isang truck ang tatlong taong naliligo sa poso sa Bukidnon nitong Sabado.

Nakilala ang mga biktima na sina Teresa Jagonal at dalawang menor de edad, at ang truck driver na si Erman Falcis at isang substitute driver, ayon sa Bukidnon Police.

Nangyari ang aksidente nitong 1:30 ng hapon ng Sabado sa Sitio Langga, San Vicente, Sumilao.

Isang Isuzu aluminum wing van truck na minamaneho ni Falcis ang patungong Maluko sa Manolo Fortich mula sa Malaybalay City.

Ayon sa pahinante ng truck na si Reymart Galagala, 23, mabilis ang takbo ng truck na may kargang fertilizer.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck at napunta sa right shoulder ang sasakyan.

Binangga nito ang isang pader at doon natamaan si Jagonal at ang dalawang menor de edad.

Tuloy-tuloy na nahulog sa bangin ang truck.

 

Lima ang nasawi nang mawalan ng kontrol sa manibela ang isang truck sa Sumilao, Bukidnon nitong Sabado, Disyembre 28, 2019. Photo courtesy: Sumilao Municipal Police Station

 

Namatay agad ang driver ng truck, ang substitute driver, si Jagonal at ang dalawang menor de edad.

Nagtamo naman ng serious injuries sa iba't ibang bahagi ng katawan si Galagala, na isinugod sa Bukidnon Provincial Medical Center sa Malaybalay City.

Ipinag-utos ni Police Colonel Roel Lami-ing na ipatupad ng pulisya ang mga batas trapiko para maiwasan ang mga aksidenteng tulad nito.

Nag-apela rin si Lami-ing sa publiko na makipagtulungan sa pulisya para sa kanilang kaligtasan. —Merlyn Manos/KG, GMA News