Patay ang isang lalaking kukuha lang sana ng mga ipinalabang damit sa isang laundry shop sa Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “Saksi” nitong Lunes, nahuli-cam ang insidenteng nangyari sa bayan ng San Fabian.

Makikita sa CCTV ang biktimang kinilalang si Lyndo Balen, 35, na naupo muna sandali habang hihinihintay ang mga pinalabhang damit.

Pagpasok niya sa laundry shop, dalawang lalaking may dalang matataas na kalibre ng baril ang sumunod sa kaniya at pinaulanan ng bala ang biktima na kaagad nasawi.

Pagkatapos ng pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin.

Natagpuan sa crime scene ang siyam na basyo ng bala at isang tingga ng caliber 5.56 rifle.

Wala raw kaaway ang biktima pero base sa impormasyong nakuha ng pulisya, may pending warrant of arrest siya para sa kasong murder kaugnay ng isang pagpatay sa Mapandan.

Iniimbestigahan na kung may kinalaman ang naturang kaso sa pagpatay kay Balen. —NB/FRJ, GMA News