Tatlong lalaki ang patay sa isinagawang buy-bust operation ng San Jose Del Monte City Police nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Orlando Castil Jr. sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali ng GMA News, naganap ang insidente sa isang subdibisyon sa Barangay Manuel.

Isang buwan daw nilang isinailalim sa surveillance ang mga suspek partikular na ang isang nagngangalang Jay-Ar Borromeo.

Sila raw ang nagpapasok umano ng droga sa siyudad.

Nitong Lunes ng alas dos ng madaling araw, matapos makabili umano ng P500 halaga ng droga, aarestuhin na raw sana ng mga awtoridad si Borromeo at ang dalawang kasamang kinilala sa mga alyas na Liit at JR.

Nanlaban umano ang mga suspek kaya napilitan ang mga awtoridad na magpaputok ng baril, sanhi ng pagkamatay ng tatlong suspek.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 na rebolber pati na mga improvised shotgun at handgun.

Dinala sa Faith Memorial Homes ang mga bangkay na hindi pa identified.

Isa sa mga suspek ay may tattoo na R. I. S. sa kanang hita.

Ang isa naman ay may nakasulat na "Coy" sa kanyang balikat.

May mga residente naman ang nagsabi sa GMA News na sana ay malagyan ng CCTV at malakas na ilaw ang kanilang lugar.

Ilang beses na raw kasing nagkaroon ng insidente ng pamamaril sa nasabing lugar na creek lang ang pagitan ng mga siyudad ng Caloocan at San Jose Del Monte, Bulacan. —KG, GMA News