Nakaligtas na, napatay pa ng isang negosyante ang isang suspek na namaril umano sa kaniya sa Pikit, Cotabato. Ang biktima, hindi napuruhan sa pamamaril kaya hinabol ang mga salarin na sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabi ng pulisya na pauwi na umano ang negosyanteng biktima habang sakay ng kaniyang SUV nang tambangan siya ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Bagaman tinamaan ng bala ang sasakyan, nakaligtas naman ang negosyante at hinabol ang mga salarin.

Nang maabutan niya ang mga ito,  binangga niya ang motorsiklo na naging dahilan ng pagkakasawi ng isa sa mga suspek na nakilalang si Antong Ibrahim.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na isa pang suspek. Inaalam din ng mga pulis ang motibo sa pamamaril.--FRJ, GMA News