Patay sa pamamaril ang isang lalaking may problema umano sa pag-iisip sa Candelaria, Quezon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Reynante Canlas, na ayon sa kaniyang inang si Julia Canlas ay umalis ng bahay noong July 27.

Nang ipa-blotter ay nalamang nasa police station pala si Reynante. Pero nang yayain daw itong umuwi ay hindi ito pumayag kaya ipinagkatiwala na lang siya pansamantala sa mga pulis.

Matapos ang ilang araw, nakita na lang na patay ang biktima sa isang liblib na lugar. Nakita sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng M16 rifle.

Wala raw sagot ang Candelaria Municipal Police Station sa tanong ni Julia kung bakit namatay ang kaniyang anak pero nangako raw ito na iimbestigahan ang pangyayari alinsunod na rin sa utos ni Mayor Macario D. Boongaling.

Humingi na rin ng tulong sa National Bureau of Investigation ang pamilya ng biktima. —KBK, GMA News