Isang 60-anyos na lola ang arestado sa isang buy-bust operation sa Balayan, Batangas, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Reyna Nepomuceno alias Mommy Brenda.

Aabot sa 20 sachet ng iligal na droga ang nakuha sa suspek, maliban pa ang isang sachet na binili ng pulis na nagpanggap na buyer.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sa Sta. Rosa, Laguna naman, huli ang nurse na si Christian Alvarez Nonaillada matapos mabilhan ng marijuana sa isa ring buy-bust operation.

Dalawang plastik ng marijuana ang nakuha sa suspek na ayon sa kaniya ay ginagawa niyang brownies sa halagang P2,000.

Depensa ni Nonaillada, nagawa lang niya ang pagtutulak dahil sa pangangailangang pinansiyal. Sumasailalim daw kasi sa chemotherapy ang kaniyang kapatid. —KBK, GMA News