Kalaboso ang isang 30-anyos na lalaki matapos siyang ireklamo ng panggagaha sa isang 17-anyos na babae na nakasama niya sa isang inuman sa birthday party sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ng pulisya ang suspek na si Ronald Disu, may apat na anak.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing parehong dumalo at uminom ng alak sa naturang birthday party ang biktima at ang suspek.

Pero nang magpunta umano sa banyo ang biktima na mag-isa, sumunod ang suspek at hinatak ang dalagita patungo sa isang inabandonang bahay at doon na ginahasa.

Hindi na umano nakapanlaban pa ang biktima dahil na rin sa kalasingan.

Kaagad naman naaresto Disu matapos magsumbong ang biktima at ina nito sa pulisya.

Sa loob ng kulungan, mariing itinanggi ni Disu ang paratang laban sa kaniya.

"Kung may ginawa ako sa kaniya aaminin ko pero wala akong ginawa. Maawa ka naman, apat ang anak ko," pakiusap ng suspek na sinampahan na ng reklamong panggagahasa.--FRJ, GMA News