Isang 14-anyos na babae ang hinalay umano ng dalawang lalaki na nakasama ng biktima sa dinaluhang birthday party sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabi ng ama ng biktima na itinago sa pangalang Mang Alfredo, taga-Calasiao, Pangasinan, na inaya ng kaibigan ang kaniyang anak na dumalo sa birthday party sa San Carlos City.

Pero pinainom daw ng alak ang kaniyang anak at nang malasing ay dinala ng mga suspek sa isang bahay at doon na hinalay.

Sa resulta ng medico legal, lumitaw na positibong nagalaw ang biktima.

Gayunman, hindi na itinuloy ng pamilya ng biktima ang pagsasampa ng demanda laban sa mga suspek matapos na mag-alok ng P100,000.

"Sana yung hustisya. Ang problema lang siyempre sa hirap ng buhay, walang kakayanan na pambayad sa abogado kaya yung na lang, nakiusap sila na para wala nang problema," ayon kay Mang Alfredo.

Paalala ng awtoridad sa mga bata huwag sasama sa hindi nila kakilala.

Pinayuhan din ang mga magulang na bantayan at gabayan ang mga anak para hindi maligaw ng landas.--FRJ, GMA News