Binawian ng buhay ang isang rider nang makasalpukan niya ang isang van na magdadala ng pasyente sa ospital sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang nasawing rider na si Kenth Brian Lumboy.

Sugatan naman ang driver ng van na si Elmer Aquino, habang ligtas ang pasahero niyang pasyente na nadala rin sa ospital.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nasa pakurbang bahagi ng kalsada ang van sa Barangay 19, nang biglang sumulpot si Lumboy na sakay ng motorsiklo.

Sinakop umano ni Lumboy ang kabilang linya ng kalsada kaya nakasalpukan niya ang van.

Nadala pa sa ospital si Lumboy pero binawian din ng buhay.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad si Aquino.--FRJ, GMA News