Isang 13-anyos na babae na bibili lang ng softdrinks ang ginahasa umano ng kaniyang ninong sa loob mismo ng tindahan ng suspek sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabi ng biktima na itinago sa pangalang "Nikka," na bigla na lang siyang hinatak ng kaniyang ninong sa tindahan at ginahasa.

"Sabi niya po sa akin papatayin daw ako sa daan kapag nagsumbong po ako," saad ng biktima.

Nais naman ng ina ng biktima na pagduhasan ng kaniyang kumpare ang ginawa sa kaniyang anak.

Sinabi pa ng ginang na inamin ng suspek ang krimen pero umalis na ito sa kanilang lugar.

Pinuntahan din ng GMA News ang bahay ng suspek para hingin ang kanilang panig pero wala nang tao sa kanilang bahay.

Isasailalim naman sa medical legal ang biktima para masuri dahil hindi kaagad niya naisumbong sa pulisya ang ginawa sa kaniya ng kaniyang ninong.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek.--FRJ, GMA News