Sumasakay ng kabayo at tumatawid ng ilog at bundok ang mga guro sa Tineg, Abra para lang mamahagi ng learning modules sa kanilang mga estudyante, ayon sa ulat ni Ian Cruz sa 24 Oras nitong Sabado.

Kailangan pang pumunta ng mga guro ng Magsalang Elementary School ng Tineg sa Bangued kung saan gumugugol sila ng tatlong oras papunta at tatlong oras din pabalik.

Inaakyat nila ang bundok at tumatatawid ng ilog sakay ng kabayo para lang maihatid ang mga kopya ng aralin ng mga estudyante sa kanilang tahanan.

“Basta mahal mo ‘yung trabaho at dedikasyon sa trabaho, wala naman po talagang imposible,” sabi ni Arnold Bignay.

Sa bayan naman ng Lacub, umaakyat ng puno ang mga gurong sina Julicia Bagioeng, Mary Jane Turas, at Rachel Tumbaga para makasagap ng malakas na signal ng internet.

“Ang pagmamahal sa mga kinabukasan ng mga bata ay hindi sinusukat sa bilang ng bundok, ilog, at pagod na tatahakin maihatid lamang ang de kalidad na edukasyon,” sabi ni Bagioeng.

Abala din ang mga guro sa paghahanda ng mga module sa Pulanggi, Albay. Sa Ligao City, pumunta ang mga magulang sa paaralan para makuha ang mga module habang sumusunod sa mga health protocol.

Sa Biñan, Laguna, may sinusunod na schedule ang mga magulang sa pagkuha ng mga module ng kanilang mga anak para hindi sila magsabay-sabay at magsiksikan.

Drive-thru o pick-and-go naman ang sistema na ginagamit sa pagkuha ng mga module sa Jose Catolico Elementary School sa General Santos City. —LBG, GMA News